Sundalo patay matapos barilin ng holdaper sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 08:55 PM

SAN FRANCISCO, Agusan del Sur - Patay ang isang sundalo matapos barilin ng mga holdaper sa bayan ng San Francisco, Agusan Del Sur pasado 11:30 ng umaga Martes.

Kinilala ang biktima na si Technical Sergeant Isabelo Paculba, 48-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kalalabas lang sa bangko ni Paculba kasama ang kanyang asawa para magpa-encash ng cheke ng mangyari ang insidente.

Habang papunta sa isang kainan ang mag-asawa, bigla na lamang silang nilapitan ng dalawang armadong lalaki na nagdeklara ng holdap.

Nagmatigas si Paculba at hindi ibinigay ang pera kaya ito binaril.

Agad namang rumesponde ang mga pulis na malapit sa pinangyarihan ng krimen. Nagkabarilan pa ang mga pulis at holdaper, pero mabilis ding nakatakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo.

Hindi na umabot nang buhay si Paculba sa ospital. Hindi naman nakuha ng mga kawatan ang P153,000 cash na nasa bag ng kanyang asawa. 

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.