Stockroom ng paaralan sa Cagayan de Oro, nasunog

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 04:07 PM | Updated as of Dec 07 2018 09:52 PM

CAGAYAN DE ORO CITY —Tinupok ng apoy ang stockroom ng Iponan National High School sa Cagayan de Oro City Martes ng umaga. 

Nakatago sa stockroom ang mga lumang upuan sa paaralan.

Ayon sa guro na si Allan Oclarit, kumukuha ng pagsusulit ang kanyang mga estudyante nang napansin nila ang usok mula sa labas ng kanilang classroom.

“Pagtingin ko sa labas, malaki na ang apoy mula sa stockroom na nasa likod lang ng aming classroom,” ani Oclarit.

Dahil gawa lang sa kahoy ang stockroom, mabilis itong natupok. Natunaw din ang mga upuan na gawa sa plastic at kahoy.

Patuloy pa na inaalam ng Bureau of Fire Protection kung ano ang dahilan ng sunog.

“Kabilang sa angulong ating tinitingnan ang electrical short circuit. Posible din na mayroong pasaway na estudyante na pasekretong nagsigarilyo malapit sa stockroom,” ani SFO3 Samson Velarde, fire investigator ng BFP Carmen Station.

Tinatayang nasa P30,000 ang halaga ng danyos sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.