Pilipinas, walang pananagutan sa ICC mula umpisa: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 10:05 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pinanindigan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na walang bisa sa Pilipinas ang Rome Statute na lumikha ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang forum, iginiit ni Panelo na labag sa Saligang Batas ang statute dahil hindi umano binigyan ng due process si Pangulong Rodrigo Duterte. 

Isa sa mga naging mitsa ng pagtiwalag ng Pilipinas sa ICC ay ang anunsiyo ng prosecutor nito na magsasagawa sila ng preliminary examination para silipin kung dapat umusad ang kasong crimes against humanity laban kay Duterte.

Bukod pa rito, ayon kay Panelo, ay hindi rin daw nailathala sa Official Gazette ang pagsanib ng Pilipinas sa Rome Statute kaya wala umanong bisa ang batas.

"As far as we're concerned there is no law to speak of. We're just telling them na 'hoy hindi kami kasama diyan ha dahil unang-una pa wala naman palang batas kayo dito sa amin' because [they] did not follow our rules and Constitution," ani Panelo. 

Kinontra naman ni Albay Rep. Edcel Lagman ang opinyon ni Panelo. 

"The publication requirement does not cover international covenants to which the Philippines is a state party. International instruments like the Rome Statute have their own effectivity clauses which the ratifying country has prior knowledge of," ayon kay Lagman.

Giit ni naman ni Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Roberto Cadiz, mahalagang mekanismo ang ICC para panagutin ang mga may salang opisyal. 

"We do not see it as a court that is to be feared by innocent people but is to be welcomed by those being oppressed by other people and who cannot find justice within their territories," ani Cadiz. 
    
Ayon pa kay law professor Tony La Viña, naiwasan sana ng Pangulo ang kaso kung hinayaan niyang mag-imbestiga ang CHR noon. 

"Unfortunately the CHR has been so marginalized in all of these. Otherwise, the best defense against the ICC is a CHR that's well-funded, that's not demonized."

Hinimok naman ng pinuno ng Management Oversight and
Legislative Body ng ICC ang Pilipinas na huwag umalis.

"Let me emphasize that preliminary examination is not an investigation at all. It does not imply any determination of fact by the court...As a matter of fact, the prosecution is not collecting evidence at the moment." paliwanag ni O-Gon Kwon.

Handa pa umano siyang lumipad ng Pilipinas para makipagdayalogo sa mga opisyal. 

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.