Palasyo, muling nagsuspende ng klase bunsod ng 'banta' ng tigil-pasada

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 05:17 PM | Updated as of Dec 07 2018 09:30 PM

Kahit na walang nakatakdang transport strike ang ano mang grupo, biglaang sinuspinde ng Palasyo ang klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila, dahilan para magdulot ng kalituhan sa mga estudyante at magulang. 

"In view of actual and/or imminent threats posed by some groups, we are suspending classes at all levels in Metro Manila effective today, March 20, to safeguard the safety of students," ayon sa pahayag ng Palasyo. 

Para naman umano sa mga eskuwelahan sa labas ng Maynila, nasa diskresyon ng pamunuan nila kung isususpende ang klase, dagdag ng Malacañang. 

Bandang alas-10 na ng umaga nag-anunsiyo ang Malacañang, kung kailan karamihan sa mga bata ay nakapasok na sa kanilang paaralan.

Matatandaang nagsagawa ang Piston ng malawakang transport strike nitong Lunes pero minaliit naman ito ng pamahalaan.

Samantala, tinawag naman ng Piston na "fake news" ang Palasyo sa ipinakalat umano nitong pagkakasa nila ng panibagong transport strike. 

 

"Walang katotohanan ang anunsiyo ng Malakanyang na may kasunod pang jeepney strike mula Marso 20 hanggang sa Biyernes...Mariing kinukundena ng Piston ang paglalabas ng Malakanyang ng malisyosong impormasyon upang lituhin ang mga mamamayan," ayon sa grupo. 

Pero depensa ng Palasyo, kahit pa maliit na "banta" ay hindi mag-aatubili si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkansela ng mga klase upang siguruhin ang kaligtasan ng mamamayan.

"The President has instructed that he will suspend classes even with the slightest threat of a strike to ensure the protection and well-being of students."

Tinututulan ng mga transport group ang umano'y "phaseout" ng mga lumang jeepney, pero depensa ng Malacañang, ang ginagawa nila ay "modernisasyon" lamang. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.