Mahigit P350-K halaga ng 'shabu' nakumpiska sa Butuan City

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 05:46 PM | Updated as of Mar 20 2018 05:47 PM

BUTUAN CITY – Arestado ang isang lalaki sa ikinasang operasyon laban sa iligal na droga sa Butuan City Lunes ng umaga.

Sa Butuan City Bus Terminal pa lang inabangan na ng mga nag-disguise na tauhan ng Butuan City Drug Enforcement Unit ang target na si Junaid Gumama. 

Nakumpiska sa suspek ang isang maliit na sachet at isang malaking pakete ng hinihinalang shabu. Tinatayang may bigat itong 30 gramo at may halagang higit P350,000.

Ayon kay Butuan City Police Director Senior Superintendent Percival Placer, taga-Balo-i, Lanao del Norte ang suspek at dumayo lamang ito sa Butuan City para magtulak ng shabu.

Bukod sa nakumpiskang shabu, nakuha rin kay Gumama ang P19,000 na marked money.

Kinuha ng news team ang panig ng suspek pero tumanggi itong magsalita.

Patuloy na nananawagan ang Butuan Police sa taong-bayan na makiisa sa pagbigay ng impormasyon sa awtoridad para mapigilan ang paglaganap ng bawal na gamot sa lungsod.

Pormal nang nai-file sa City Prosecutor's Office ang kasong pagbebenta ng iligal na droga laban kay Gumama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.