PatrolPH

Ilang lugar sa Coron Bay, kontaminado ng coliform

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 02:26 AM

Marumi at hindi ligtas ang tubig ngayon sa Coron Bay, ayon sa ginawang pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa 6 na lugar na mino-monitor ng DENR, 5 ang kinumpirma nito na may pinakamataas na kontaminasyon ng coliform.

Kabilang dito ang Barangay 1, Barangay 2, Barangay 5, Barangay Tagumpay, at reclamation area.

Base sa isinagawang sampling ng DENR noong November 17, 2017, hindi pumasa sa standard coliform ang mga nasabing lugar.

Kung pagbabasehan ang Department Administrative Order 2016-08, dapat ay 100 Most Probable Number per 100 milliliters lang ang standard coliform.

Ngunit sa isinagawang sampling, mataas ang fecal at total coliform sa mga nasabing barangay.

Ang pinakamataas na total coliform ay ang Barangay 5 na nasa 25,269 MPN. 

Ang Barangay 1 naman ang may pinakamataas na fecal coliform na 2,958 MPN.

"'Yung fecal, ito yung nanggagaling sa tao - sa dumi ng tao, dumi ng hayop. 'Pag sinabi mong total, mayroon pang mga ibang nutrient na source ng pollution," ayon kay Natividad Bernardino, head ng DENR-Mimaropa.

Ang dahilan, dagdag ng DENR, ay ang dikit-dikit na bahay ng higit 1,000 informal settlers at iba't ibang establisimyento.

Ani Bernardino, dalawa umano ang maaaring gawin para masolusyonan ang problema.

Una, i-relocate ang mga informal settlers na dapat ay matagal ng inalis sa lugar.

"Beneficiaries ng Yolanda rehab program 'yan. May pondo na sa NHA 'yan. Kailangan na lang i-implement 'yung project," dagdag ni Bernardino.

Pangalawa, dapat daw ay magkaroon na ang LGU Coron ng centralized na sewerage treatment facility.

Ayon naman sa Environmental Management Bureau ng Palawan, pinaiigting nila ngayon ang pagpapatupad ng Clean Water Act kaya't hindi raw basta-basta binibigyan ng waste water discharge permit ang mga establisimyento gaya ng mga resort.

Ayon kay Forester Alex Coden ng EMB Palawan, mayroon na ring governing board na tumututok para maibalik ang ligtas na tubig sa lugar. - ulat ni Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.