Credit card na ipina-ordinary mail, pinang-shopping ng ibang tao

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 08:41 PM | Updated as of Jan 30 2020 01:18 PM

Watch more in iWantTFC

Umabot sa P500,000 na halaga ng gamit ang napamili umano ng mga kawatan gamit ang international credit card ng isang retiradong overseas Filipino worker (OFW).

Nakuhanan ng CCTV ang isang babae at kaniyang kasamahan na bumibili ng cellphone at mga accessories sa isang appliance store na umabot ng mahigit P15,000. 

Sa isang department store naman, namili ito ng P56,000 na halaga ng sapatos, bag, at damit. 

Pero lumalabas na ang ginamit na credit card ng mga suspek ay ninakaw umano mula sa biktima na kinilalang si Mara Velasquez.

"That's a hard-earned money and I don't understand why they so very easily spent it," ani Velasquez.

Kuwento ng biktima, nag-expire na ang kaniyang international credit card at nag-request siya ng bagong card nitong Enero. 

Nagulat na lang siya nang mag-follow up sa bangko tungkol sa kaniyang bagong card nitong Pebrero, dahil naipadala na umano ito sa pamamagitan ng ordinary mail. 

Base sa record ng bangko, nakailang beses na niya itong nagamit sa loob ng dalawang araw kung saan umabot na sa P500,000 ang transaksiyon.

Parehong dalawang suspek ang tinukoy nang puntahan ang mga department store at restaurant kung saan ginamit ang card. 

Ayon sa Central Post Office, kailangan nilang makakuha ng detalye mula sa bangko para malaman kung saan dumaan ang sulat. 

Balak naman silang ipatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) para ipaliwanag ang proseso. 

Maaari namang tumawag sa NBI Anti-Fraud Division para sa mga makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa mga suspek. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.