Botohan ng buong Kamara sa Sereno impeach raps, wala pang petsa

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 12:48 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaari nang ikalendaryo para mapag-usapan at pagbotohan sa buong Kamara ang draft articles of impeachment laban sa nakalibang si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Supreme Court (SC). 

Pero wala pa ring kasiguruhan kung malapit na itong mangyari dahil titingnan muna ng Kamara ang desisyon ng SC sa petisyong kumukuwestiyon sa pagkakatalaga kay Sereno sa puwesto. 

Lumusot sa House justice committee ang draft articles of impeachment nitong Lunes. 

Tanging si Quezon City Rep. Kit Belmonte ang tumutol kumpara sa 33 pumabor sa committee report na naglalaman ng articles of impeachment.

Pasok sa articles of impeachment ang culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust sa hindi pagpa-file at kulang-kulang na Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ni Sereno.

Inirereklamo rin si Sereno ng corruption, abuse of discretionary power, at iba pang high crimes.

Tatlong reklamo sa orihinal na inihain ni Lorenzo Gadon ang nilaglag ng komite.

Binanggit din sa articles of impeachment ang pagsusuri ng mga psychologist ng Judicial and Bar Council kay Sereno nang mag-apply siya bilang mahistrado.

Sumabay naman sa botohan sa Kamara ang "red Monday" sa Korte Suprema kung saan muling nagpahayag ng suporta ang ilang kawani para sa mga mahistrado at kay Court Administrator Midas Marquez.

BOTOHAN SA PLENARYO

Iginiit naman ng kampo ni Sereno na walang impeachable sa mga reklamong lumusot sa komite ng Kamara.

Nais na rin ng grupo ni Sereno na pagbotohan ang articles of impeachment sa plenaryo ng Kamara para masimulan ang paglilitis sa Senado.

"Patuloy ang paghahanda ni Chief Justice ng kaniyang depensa and she actually eagerly awaits the articles of impeachment," ani Atty. Josa Deinla, spokesperson ng Sereno defense team.

Sa Martes, Marso 20, isusumite ng komite ang ulat nito at panukalang articles of impeachment sa rules committee na may 10 session days para i-agenda ito sa plenaryo.

Pero dati nang sinabi ng liderato ng Kamara na malamang sa Mayo na ito pagbotohan ng buong Kamara.

Ayon kay House justice commitee chairman Rey Umali, tinitingnan rin nila ang kahihinatnan ng quo warranto petition laban kay Sereno sa Korte Suprema.

"Kasi 'pag 'yong sa Supreme Court ay nanalo ang SolGen o nanalo 'yong state, then mababalewala lahat 'yan," sabi ni Umali.

Mahigit 40 kongresistang abogado ang kasama sa pinagpipiliang maging miyembro ng 11-man prosecution team na pagdedesisyunan sa Mayo.

QUO WARRANTO

Hiniling naman ni Sereno sa Korte Suprema na ibasura ang quo warranto petition na nagpapawalang bisa sa kaniyang appointment.

Sa inihain niyang komento sa Supreme Court, iginiit ni Sereno na dapat ma-dismiss ang petisyon ni Solicitor General Jose Calida dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon at merito.

Sabi ni Sereno, walang awtoridad ang Korte Suprema na alisin siya sa puwesto sa pamamagitan ng quo warranto. 

Giit ng petisyon ni Sereno, ang mga impeachable officials tulad niya ay maaari lamang mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment.

-- Ulat nina RG Cruz at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.