2 lalaki timbog sa magkahiwalay na buy-bust sa Coron

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2017 06:15 PM

CORON, Palawan — Timbog ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na buy-bust operation sa bayang ito.

Gabi ng Linggo nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang Coron Municipal Police Station sa Barangay Tagumpay kung saan naaresto si Ferdinand "Ferdie" Tolentino.

Nakumpiska mula sa kanya ang 7 sachets ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalia at P500 na marked money.

Natimbog naman si Rodel Bautista, alyas Baterya, sa Barangay Poblacion 4 madaling araw ng Lunes. Nakumpiska sa kanya ang 8 sachets ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalia at marked money.

Ayon sa otoridad, matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek. Naging talamak pa umano ang problema sa droga sa Coron mula nang masuspinde ang "Oplan Double Barrel," kaya malaking tulong ang muling pagbabalik ng kampanya laban sa droga.

Sinisiguro naman ng lokal na pulis na kanilang tututukan ang kaso ng droga sa bayang ito.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.