PatrolPH

Entablado para sa 'Pilipinas Debates 2022' handa na

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2022 05:51 PM

MAYNILA - Handa na ang entablado ng Commission on Elections (Comelec) Pilipinas Debates 2022 para sa mga kumakandidatong pangulo ng bansa. 

Nakatakdang magsimula ang debates bandang alas-7 ng gabi sa Pasay City. 

Unang dumating sa venue sina presidential aspirant Faisal Mangondato at Dr. Jose Montemayor. Nasa venue na rin sina sina Manila Mayor Isko Moreno, labor leader Leody De Guuzman at Senador Ping Lacson, pasado alas-5:30 ng hapon. 

Kita sa entablado ang 10 podium para sa mga kandidatong sasabak sa debate. 

Mananatiling bakante ang podium para sa mga kandidatong hindi dumalo sa debate. 

Siyam ang nagkumpirmang dadalo at tanging si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang nagdesisyong hindi na sumali sa debate. 

Ayon sa spokesman niyang si Atty. Vic Rodriguez, mas nais ni Marcos Jr. na makasama ang mga tagasuporta. 

Sabi ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia na bukas pa rin ang Comelec sa posibilidad na magbago pa rin ang isip ng mga kandidatong hindi nag-confirm. 

”Maaaring dumating po ang kahit sinoman dito, subalit yan po ay pagdedesisyunan natin, meron po tayong deadline na nabanggit ang therefore kung sakali kinakailangan yung kabuuan ng Comelec ang magdesisyon dito," ani Garcia. 

Nakiusap din ang Comelec sa ibang kandidato na sabihin agad sa kanila kung magba-back out sa mga deabte. 

“Dapat po sa mga susunod pa, ang aming pakiusap, 'yung mga gustong mag-backout sa mga susunod, makapag-convey po kaagad ng kanilang intensyon sa amin upang kahit paano maisaayos natin," sabi ni Garcia. 

Iginiit ni Garcia na mahalaga ang mga nasabing debate na makabuo ng desisyon ang mga botante. 

Tiniyak din ng Comelec na hindi nakalabas o napunta sa ibang kandidato ang listahan ng mga ibabatong tanong. 

"Sinala [ito] na mabuti upang ito ay hindi makalabas. Pinili natin yung pandemiya at ekonomiya sapagkat yun ang kailangan ng ating bansa. Ako po mismo bilang [Commissioner] in charge - hindi ko po alam kung ano yung mga tanong na yan, ako mismo hindi ko nabasa. Mas maganda na po mismong ang moderator ang makapagbabato n'yan," ani Garcia. 

Bawal din ang pagdadala ng notes sa podium. Bibigyan ng 90 segundo ang mga kandidato para sa kanilang rebuttal at 30 segundo ulit para sa rejoinder. 

Magkakaroon din ng draw lots para malaman kung sino ang unang sasagot sa tanong. Alphabetical order naman ang pagsagot sa mga susunod na tanong. 

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.