Pagdating ng foreign national sa Ninoy Aquino International Airport in Pasay City nitong Pebrero 10, 2022, ang unang araw na nagbukas ang bansa sa mga fully vaccinated international travelers.
MAYNILA - Pumapalo na sa 10,000 kada araw ang bilang ng mga pumapasok na biyahero sa Pilipinas, higit isang buwan mula nang magluwag ang bansa sa mga dayuhang turista, sinabi ng Bureau of Immigration ngayong Sabado.
Sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na naglaro sa 8,000 kada araw ang bilang ng inbound travelers sa unang linggo matapos ang pagluluwag ng travel restrictions noong Pebrero 10.
“Ngayon po, after more than a month of implementation, we're seeing around daily po nasa 10,000 na po ang dumadating sa bansa, which is really what we are expecting,” ani Sandoval.
Inaasahan ng BI na papalo pa sa 12,000 o higit pa ang average na biyahero kada araw pagdating ng Abril lalo ngayong panahon ng tag-init.
Nauna nang sinabi ng Department of Tourism na plano nitong buksan ang bansa sa mas marami pang turista sa susunod na buwan dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
“Nakikita po natin na marami pong foreign national ang maaring pumunta dito,” sabi ni Sandoval sa isang public briefing.
Sa hiwalay na datos mula sa Department of Tourism, umabot sa 102,031 ang inbound visitor arrivals sa Pilipinas mula Pebrero 10 hanggang Marso 16.
“Our numbers are still far from pre-pandemic levels, but we are optimistic that this will continue to increase amid the sustained decline in COVID-19 cases in the country as well as the ongoing efforts of the Philippine government to improve its healthcare capacity,” ani Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa isang pahayag.
Nagbukas ang Pilipinas noong Pebrero 10 sa mga fully vaccinated na dayuhang turista mula sa mga visa-free na teritoryo, para muling buhayin ang industriya ng turismo na pinadapa ng pandemya.
Plano na rin ibalik ng gobyerno pag-iisyu ng visa ng mga embehada.
PANOORIN
Video mula sa PTV