MAYNILA - Malapit nang mapuno ang mga coronavirus disease (COVID-19) quarantine facility na nakalaan para sa overseas Filipino workers na dumarating ng Pilipinas, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, halos kasing dami na noong kasagsagan ng pag-uwi ng OFWs noong Mayo 2020 ang mga nasa loob ng quarantine facilties.
Dahil dito, ayon sa OWWA, malaking tulong kung mababawasan muna ang mga papasok ng bansa.
Aminado rin ang OWWA na nauubos ang budget nila sa dami ng kaso at tagal ng pananatili sa quarantine facility ng ilang returning OFW.
"Tayo ay nagmamakawaawa sa ating DBM (Department of Budget and Management) at sa Kongreso na kung maaari ay bigyan tayo ng supplemental funding kasi nga talagang nakikita natin na all year round na budget of P6.2B dahil sa pagtriple at quadruple ng hotel stay ng ating OFWs mauubos bandang gitna ng taon," ani Cacdac.
Rekisito ang pag-quarantine para sa mga OFW na papasok ng Pilipinas.
Pagkarating ng Pilipinas, ihahatid sila sa quarantine facilities, kung saan magtatagal sila ng isang linggo o higit pa, dahil sa ika-5 araw pa ng quarantine sila isasailalim sa swab testing.
Kaya ang hiling ng tanggapan, ipagpaliban na muna ang pag-uwi ng bansa.
"Kasi the way we see this para rin ito sa OFWs. We don't want them to be inconvenienced and also stressed, na congested tao sa Manila. They have to be transported outside of Metro Manila to be quarantined. They have to be placed in a quarantine facility na punong puno sila doon," ani Cacdac.
Samantala, pinapayagan nang pumasok ng Pilipinas ang mga Philippine passport holder batay sa bagong kautusan ng National Task Force against coronavirus disease.
Ito ay matapos sabihin noong Huwebes ng pandemic task force na mga overseas Filipino worker lang ang papayagang makapasok ng bansa.
Aminado si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi naging tama ang hakbang ng National Task Force.
"Kasi nagkamali kami do'n dahil sinama namin 'yung mga Filipinos na hindi makabalik. Eh hindi tama 'yon dahil kung nagta-travel lang sila sa ibang bansa, saan naman sila titira? We will allow all Filipinos to come back," ani Lorenzana.
Sa kabila nito, bawal pa rin ang mga foreigner sa loob ng bansa simula Marso 22 hanggang Abril 21, maliban na lang kung ang foreign passport holder ay kasama sa biyahe ang Pilipinong asawa o anak, diplomat, o seafarer sa ilalim ng programang crew change o mga kasama sa medical repatriation.
Aabot lang din ng 1,500 kada araw ang papasuking pasahero sa bansa, gayon din sa Clark International Airport, at sa Mactan Cebu International Airport.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, OFW, overseas Filipino workers, OWWA, Overseas Workers Welfare Administration, Philippine passport, quarantine, quarantine facilities, Hans Leo Cacdac