MAYNILA - Nadakip ng mga pulis sa Valenzuela City ang ikalawang most wanted na indibidwal sa lungsod ng Maynila sa isang operasyon, na ikinaaresto rin ng kasama niyang babae at ikinarekober ng kalahating milyong pisong droga at baril.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), hinainan ng warrant ang 28-anyos na si Jeremy “Kano” Flores nang matunton siya ng sa Brgy. Marula, Valenzuela noong Lunes ng gabi.
Ilang linggo nang binantayan ng Intelligence Division ng Manila Police ang bahay ni Flores sa Maynila at sinundan din ang kasamang babae.
Ayon sa pulis, nang aarestuhin na si Flores sa tulong ng Valenzuela Police at Northern Police District, tinangka silang pigilan ng kasama niyang babae na kinilalang si Baby Elefanio, 25, kaya pati siya inaresto.
Taga-Tondo, Maynila ang lalaki at wanted para sa mga kasong robbery with homicide at frustrated murder na nilabasan ng warrant noong 2020.
Miyembro pa umano siya ng dalawang crime group na sangkot sa panghoholdap at pamamaril sa Quezon City at Maynila.
Nang pakapkapan, nasabat sa kanila ang 7 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang mahigit 80 gramo o may halagang halos P560,000.
Nakumpiska rin ang dalawang caliber .38 na baril at mga bala.
Bukod sa kasong kinahaharap ni alyas “Kano”, dagdag pa ang possession of illegal drugs at illegal possession of firearms and ammunition sa mga isasampa sa kanya at sa kasama.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
crime, most wanted, robbery, arrest, Valenzuela City, Valenzuela, Marulas, Manila, shabu, drugs, police, Tagalog news, TeleRadyo