PatrolPH

Higit 1,000 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Cavite

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2021 06:26 AM | Updated as of Mar 19 2021 08:48 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Nabalot ng makapal na usok ang isang barangay sa Kawit, Cavite nang sumiklab ang sunog sa naturang lugar maghahatinggabi ng Biyernes.

Umabot sa Task Force Alpha ang alarma dahil mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay sa Barangay Samala-Marquez na gawa sa light materials.

Ayon kay Cavite BFP Provincial Director Fire Supt. Rene Bullos, malakas din ang hangin at mahina ang suplay ng tubig sa lugar kaya mas nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy. Masikip din ang mga eskinita papasok sa mga bahay.

Nasa 80% ng barangay ang natupok, ayon sa BFP. Kasama sa nasunog ang barangay hall, covered court, at day care center.

Dahil kasarapan ng tulog ng mga residente nang magsimula ang sunog, marami wala nang naisalbang gamit. Kwento ng ilang residente, nagising na lang silang malaki na ang apoy at nagsisimula nang lamunin ang mga bahay.

Nasa 500 bahay ang nasunog kung saan higit 1,000 pamilya ang nawalan ng tahanan. Mga damit, pagkain at tubig ang hiling na tulong ng mga residenteng nasunugan.

Alas 4:30 ng umaga na nang ideklara ang fire out. Iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng sunog.

Inaayos ang Binakayan Elementary School para maging evacuation center ng mga naapektohan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.