Dating pulis na 'utak' sa pamamaril sa rider sa Valenzuela, patay sa engkuwentro sa Batangas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2021 09:05 AM

MAYNILA - Nauwi sa engkuwentro ang pag-aresto sa dating pulis na tinaguriang utak sa likod ng pamamaril at pagnanakaw sa isang company messenger sa Valenzuela City noong nakaraang taon.

Ayon sa pulisya, napatay ang suspek na si Anthony Cubos, alyas Big Boss, matapos siyang magpaputok ng baril sa mga pulis na naghain ng arrest warrant sa kaniya sa Barangay San Francisco, Lipa City Miyerkoles ng gabi.

Watch more News on iWantTFC

Dating patrolman si Cubos at nasibak sa Philippine National Police noong 2019 kasunod ng pag-AWOL.

Sabi ng PNP, pinuno siya ng Cubos criminal group na sangkot sa pagdukot ng tao, pangingikil, gun-for-hire at pagtutulak ng droga.
Kasama rin siya sa national drug watchlist ng PNP. 

Isa si Cubos sa tatlong natitirang wanted kaugnay sa pagpatay sa company messenger na si Niño Luegi Hernando sa Paseo de Blas sa Valenzuela City noong Oktubre ng nakaraang taon.

Nakita sa CCTV ang pamamaril kay Hernando habang sakay ng motorsiklo galing ng bangko. Ninakaw ang halos P440,000 na na-withdraw niyang sahod ng mga kasamahan sa kumpanya, pati ang motorsiklo.

Anim ang kinilala suspek sa pamamaril na may P300,000 na pabuya sa ulo.

Unang naaresto ang pulis na suspek na si Cpl. Michael Castro at Edgar Batchar. Nadakip naman sa Pampanga noong Disyembre si Jo-Anne Quijano Cabatuan, na inakala noong una ay testigo sa pamamaril. Pinaghahanap pa ngayon sina Rico Reyes at Narciso Santiago.

Sa mga may impormasyon sa kinaroroonan ng mga at large na suspek, maaaring tumawag sa Valenzuela Police Station sa 8352-4000.

KAUGNAY NA BALITA:

Watch more News on iWantTFC