Construction worker isinauli sa mayor ang napulot na pera sa demolition site

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2021 06:47 PM

Ayon sa alkalde, pumunta ang trabahador sa kanyang opisina noong Miyerkoles ng umaga para lamang isauli ang perang nagkakahalaga ng P14,500. Yen Endoso


GUINAYANGAN, Quezon — Ikinuwento ni Guinayangan Mayor Cesar Isaac III ang katapatang ipinamalas ng isa sa kanilang residente, matapos nitong isauli sa kaniyang opisina ang malaking halaga ng pera. 

Kinilala ang residenteng si Alberto Lascano, isang construction worker.

Ayon sa alkalde, pumunta si Lascano sa kanyang opisina noong Miyerkoles ng umaga para lamang isauli ang perang nagkakahalaga ng P14,500.

Kuwento sa kanya ni Lascano, nakita nito ang pera sa isang cabinet na nasa loob ng isang gusali na dine-demolish nila.

"Nakita niya 'yung isang envelope na may laman na P14,500 so ang ginawa niya minarapat niyang isauli na siguro sa akin, para ako na ang maghanap kung sino ang nagmamay-ari nun," ani Isaac.

Agad naman daw itong napabalik sa may-ari ng pera at sinabi sa kanya na matagal na itong nawawala.

"Sabi ko nga du'n sa construction company, pambihira 'yang inyong isang construction worker na 'yan, talagang ako ay nagpapasalamat sabi ko eh, mayroon pa palang Guinayangin na may maaayos na puso para ibigay ang mga ganyang bagay sa mga tunay na nagmamay-ari," sabi ng alkalde.

Nakatanggap naman daw ng pabuya si Lascano galing sa empleyadong nawalan ng pera.


—Ulat ni Andrew Bernardo 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.