PatrolPH

500 packed meals hatid sa mga residente ng Barangay Krus na Ligas sa QC

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2021 09:52 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Kamakailan lang nakabalik sa pagtitinda ng prutas sa umaga at paglalako ng balut sa gabi ang 65 anyos na si Emilia Arcenio, dahil sa community quarantine. 

Biyuda si Arcenio, na kasama ang 2 apo at mga anak na barangay tanod. Pero kulang na pangtustos ng kanilang pamilya ang kinikita ng anak, kaya't pinipilit pa rin niyang maghanapbuhay sa kabila ng panganib ng COVID-19. 

"Kailangan tutulong ako sa anak ko talaga at sa mga apo ko. Bayad sa tubig sa ilaw, wala," ani Arcenio. 

Pagtitinda naman ng pagkain at beauty products ang naisip ni Marlene Tan para makatulong sa mister na humina rin ang kita sa pagbebenta dahil sa pandemya.

"Lima ang anak ko, diaper pa, gatas, nag-aaral. Tiis-tiis lang. Sobrang hirap po," aniya. 

Sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar, nangangambang tumigil ulit sina Arcenio at Tan sa paghahanapbuhay dahil sa posibilidad ng bagong lockdown. 

Bilang pag-alalay, muling pinuntahan ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN ang Barangay Krus na Ligas para maihatid ang 500 packed meals para sa mga residente. 

Pagpapatuloy ito ng kampanyang "Pantawid ng Pag-ibig" na inilunsad nang mag-umpisa ang lockdown pata sa ibang mas nangangailangan. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.