Tacloban City isasailalim sa 'restricted quarantine' simula Marso 21

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 04:55 AM

Isasailalim sa restricted quarantine ang Tacloban City simula Marso 21 bunsod ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong bansa.

Inanunsiyo ni City Administrator Atty. Aldrin Quebec na dahil sa ipatutupad na restricted quarantine ay hihigpitan pa ang pagbabantay sa entry at exit point ng siyudad.

“Definitely public transport will be affected, certain businesses will be affected, all government workers are advised to comply with the civil service directives na skeletal force, may mga work arrangement.”

Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan ng Tacloban sa mga nakatira at nagtatrabaho sa Tacloban City na hindi mabahala dahil papayagan pa naman magbukas ang mga supermarket, botika, grocery store, at malilit na tindahan.

Kaniya-kaniyang diskarte na ang ilang barangay official para iwasan ang pagkalat ng naturang virus.

Nagpagawa ng improvised face mask si barangay captain Salvador Altares ng Barangay 3 Upper-Nulatula, na gagamitin nila sa barangay para proteksyunan ang kaniyang mga mamamayan laban sa COVID-19.

Maliban sa face mask, gumawa rin ng temporary ID ang barangay makalabas at makapasok sa kanilang lugar.

Iminungkahi ni Altares sa kanilang barangay na isang tao lang sa bawat tahanan ang papayagang lumabas para mamili ng pagkain o anumang kakailanganin sa bahay.

Mahirap umano kung lahat ay lalabas dahil malaki ang tiyansa na mahawa sa sakit.

Ang lalabas ng bahay ay siyang bibigyan rin umano ng improvised face mask para proteksyon sa naturang virus.

Pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon ang community quarantine matapos ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nitong Miyerkoles, may naitalang 202 kaso ng COVID-19 sa bansa, 17 na ang namatay at 7 ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.