’Pantawid ng Pag-ibig': Tulong sa mga apektado ng Luzon lockdown inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 09:53 PM | Updated as of Mar 20 2020 03:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa nakalipas na mga linggo, iba’t ibang dagok ang hinarap ng mga Pinoy dahil sa pagkalat sa bansa ng sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Upang maiwasan pa ang paglobo ng kaso ng sakit, kinailangang magpatupad ang pamahalaan ng lockdown sa buong isla ng Luzon para malimitahan ang galaw ng mga tao na siyang carrier ng virus. 

Kaakibat ng enhanced community quarantine, nagpataw ang pamahalaan ng istriktong home quarantine at pagsuspende ng public transportation. Nagdulot ito ng problema sa maraming manggagawa na umaasa sa pagsakay sa mga bus, tren, at iba pang pampublikong transportasyon para makapunta sa kanilang mga pinapasukan. Naging problema rin ito para sa mga driver ng jeep, taxi, at iba pang sakayan na nakaasa sa arawang boundary. 

Dahil sa mga restriksyong ito, maraming kuwento ng kalbaryo ang naiulat: mga tsuper na sumusugal sa pagpasada para lang kumita, mga vendor na naglalakad nang ilang oras para may mabilhan lang ng ibebenta, at marami pang iba.

Tatagal ang lockdown hanggang Abril 13.

Para makatulong, naglunsad ang ABS-CBN ng kampanya na layong suportahan ang mga local government unit na sustentuhan ang mga Pilipinong labis na naapektuhan ng quarantine.

Tinawag ang kampanya na "Pantawid ng Pag-ibig" na layong makakalap ng donasyon mula sa mga indibidwal at kompanya para ipambili ng mga pangangailangan ng mga residenteng nasapul ng quarantine.

"Isa po itong panawagan sa ating mga kababayan na may pusong tumulong na mag-donate po ng cash na gagamiting pambili ng pagkain at iba pang pangagailangan sa araw-araw. Ang inyo pong cash donations ay maaring ipadala sa ABS-CBN Foundation," sabi ni ABS-CBN president and CEO Carlo Katigbak sa isang pahayag sa TV Patrol.

Bilang pasimula, nag-donate ang Lopez Group ng P100 milyon. Kabilang sa grupong ito ang ABS-CBN. 

Aarangkada ang kampanya sa Metro Manila, pero umaasa ang ABS-CBN na mapapalawig pa ito sa ibang bahagi ng Pilipinas.

"Hangad po namin na walang magugutom sa panahong ito," sabi ni Katigbak.

Sa huling tala ng Department of Health, pumalo na sa 217 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas. 


Ang mga donasyon ay maaaring ipadaan sa mga sumusunod: 
Account name: ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. - Sagip Kapamilya 

  • BDO Peso Account: 0039301-14199
    Swift Code: BNORPHMM 
  • BPI Peso Account: 3051-11-55-88
    Swift Code: BOPIPHMM
  • Metrobank Peso Account: 636-3-636-08808-1 
    Swift Code: MBTCPHMM
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.