'Pangmalawakan 'di palakasan': Mass COVID-19 testing ipinanawagan

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 03:47 PM


MAYNILA — Umapela ang Kabataan party-list na magsagawa ang pamahalaan ng mass testing sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa gitna ng lumolobong kaso nito sa Pilipinas. 

Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na "hindi katanggap-tanggap na ang may posisyon lang ang makikinabang sa mga serbisyo na dapat para sa lahat."

Ito'y matapos maiulat na ilang politiko ang nakapag-test para sa COVID-19 kahit pa sila ay asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas sa naturang sakit. 

Taliwas umano ito sa patakaran ng Department of Health (DOH) na dapat lang ma-test ang mga nagpapakita ng sintomas dahil limitado pa sa ngayon ang bilang ng testing kits. 

"Hindi nasusunod ang patakaran ng DOH... Dahil limitado pa sa ngayon ang bilang ng testing kits, nararapat lang ito ay para sa higit na nangangailangan, at hindi may mauuna dahil sa kapangyarihan," ayon sa grupo.

"Kung nagagamit man ang posisyon para testing, ito ay mariing paglabag sa katungkulan na maglingkod sa mamamayan... Libreng testing na pangmalawakan, hindi palakasan," dagdag ng Kabataan party-list.

Nauna nang sinabi ng DOH na nangyari ang test sa ilang politiko bago irebisa ang patakaran ng ahensiya ukol sa testing.

"Nung mangyari ang mga test na ito, especially 'yung sa ating higher officials, hindi pa natin na-revise 'yung decision tool natin," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa ilalim ng DOH decision tool, ite-test lamang ang mga 60 anyos pataas, may malalang sintomas, at mga may underlying conditions.

Sa huling tala, 202 na ang mga nagpositibo sa sakit sa Pilipinas, 17 ang pumanaw dito, habang 7 naman ang gumaling. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.