Limitadong oras ipinatutupad sa Galas market

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 11:31 AM

MAYNILA - Limitadong oras sa pamamalengke ang ipatutupad sa Galas Market sa Quezon City.

Hindi na gaya ng dati na buong araw bukas ang pamilihang bayan ng Galas dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Nagpaskil na ang Barangay San Isidro ng mga karatula sa entrada ng palengke hinggil sa limitadong oras.

Sa umaga, mula alas-8 hanggang alas-10 lamang maaaring mamalengke.

Sa hapon naman, alas-3 hanggang alas-5 lamang maaaring magtungo doon.

Bukod sa oras, limitado na rin ang pwedeng mamalengke. Tanging edad 18-anyos pataas lamang ang pwedeng papasukin at dapat mayroon silang dalang identification card.

Bawal na din mamalengke ang mga senior citizen lalo’t mabilis silang kapitan ng sakit.

Tiniyak naman ng palengke na walang magiging kakulangan sa supply ang kanilang wet and dry market.

Samantala, may mga kalsada rin na isinara sa barangay para malimitahan ang paglabas at pagpasok ng mga tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.