PatrolPH

LGBT group sa Tabaco City lumikha ng 800 masks para sa COVID-19 frontliners

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 04:33 PM | Updated as of Mar 20 2020 03:32 PM

TABACO CITY, Albay — Isang samahan ng mga miyembro ng LGBT community dito ang naghatid ng kanilang tulong para sa mga frontliners na tumutugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

LGBT group sa Tabaco City lumikha ng 800 masks para sa COVID-19 frontliners 1
Ayon sa grupo, kailangan daw nila ngayon ay makinang pantahi dahil 2 lang ang ginagamit nila. Retrato mula sa Tabak Sangre

Umabot sa 800 face masks ang nagawa ng grupong Tabak Sangre para sa mga health workers ng lungsod. 

Ayon sa presidente ng Tabak Sangre na si Phem Baliwag, ito ang kanilang paraan para makapag-ambag sa pagpuksa sa pagkalat ng COVID-19. 

Noong Miyerkoles ng gabi, nagtungo ang grupo sa ilang ospital sa lungsod para personal na mamigay ng face mask.

Sa ngayon, may mga nagdo-donate na daw sa kanila ng tela at garter na gamit sa paggawa ng face masks. 

Ang kailangan daw nila ngayon ay makinang pantahi dahil 2 lang ang ginagamit nila. 

Kung sino man daw ang makapagpapahiram sa kanila ay malaking tulong na para mapadali ang paggawa ng face masks. 

Ang susunod na batch ng gagawin nilang face masks ay ibibigay daw nila sa barangay health workers na nangunguna sa monitoring sa mga kabahayan. 

Sa huling tala ng Department of Health nitong Huwebes, umabot na sa 217 ang kaso ng COVID-19 sa bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.