Health chief naka-home quarantine, nagpa-test para sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 01:58 PM | Updated as of Mar 19 2020 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Sumasailalim ngayon sa home quarantine si Health Secretary Francisco Duque matapos makasalamuha ang isang direktor ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Sumailalim na rin sa test para sa malapulmonyang sakit ang kalihim, lalo at mayroon siyang hika at hypertension, sabi ngayong Huwebes ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Sa panayam naman ng ABS-CBN News kay Duque, ibinahagi niyang mabuti ang kaniyang pakiramdam at naka-quarantine siya mula pa noong umaga ng Miyerkoles.

"I'm okay, wala naman akong lagnat. Hopefully lumabas na 'yong test ko in 4 days," ani Duque.

Dahil nakipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte noong mga nakaraang araw, nilinaw na rin ni Duque na dumistansiya naman siya sa chief executive nang makasalamuha ito.

"In the meeting with the president, I was like 3 meters away," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Christopher "Bong" Go na tuloy naman sa trabaho si Duterte pero babantayan daw ito ng doktor.

Ayon din kay Duque, tatapusin niya ang 14-day quarantine period kahit magnegatibo sa test dahil maaaring sa huli pa lumabas ang mga sintomas.

"Whatever the test result is, I have to complete my 14-day quarantine kasi hindi mo alam, bandang huli, puwede ka pang maging positive," aniya.

Tiniyak ng Health chief na nagtatrabaho pa rin siya kahit nasa bahay.

Nitong hapon ng Huwebes, inanunsiyo ng DOH na nakapagtala ang ahensiya ng 15 bagong kaso ng COVID-19. Dahil dito, umabot na sa 217 ang kabuong bilang ng mga nagpopositibo sa sakit sa bansa.

Umakyat naman sa 8 ang bilang ng mga naka-recover matapos gumaling ang isang 48 anyos na lalaki mula Cavite, ayon sa DOH.

Isinailalim ng gobyerno ang Pilipinas sa state of calamity kasabay ng pagdeklara ng lockdown sa buong Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Bagaman mapanganib sa matatanda, may mahihinang resistensiya, at may ibang medikal na kondisyon, 80 porsiyento ng mga kaso ng COVID-19 sa buong mundo ang nagpakita ng mataas na tsansa ng paggaling mula sa sakit, ayon sa World Health Organization.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.