Face masks, goggles hatid sa frontliners, public hospitals

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 02:47 PM | Updated as of Mar 20 2020 11:00 PM

Tulong-tulong ang mga volunteer ng Lingkod Kapamilya sa pag-pack ng face masks at goggles, na ipamamahagi sa mga frontliner at pampublikong ospital. ABS-CBN News

Dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine, alas-2 ng madaling araw pa lang ay umalis na ng bahay sa Montalban, Rizal sina Edna Arano at Kathy Libre. Kasama kasi sila sa mga maghahanda ng protective equipment at pagkain para sa mga frontliner at ospital.

Magugunitang isinailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine, kung saan mahigpit na hinihikayat ang publiko na manatili sa kanilang mga bahay, bilang pag-iingat sa pagkalat ng 2019 coronavirus disease. Suspendido rin ang pampublikong transportasyon.

Ayon kay Libre, masaya siyang marami ang kaniyang natutulungan sa kabila ng hirap ng situwasyon.

Para naman sa isa pang volunteer na si Rosemarie Pedrosa, sulit ang pagod sa paglalakad kapag naiisip niyang nakatulong siya sa kapuwa.

Noong Miyerkoles, hinatiran ng 3,000 face masks, pagkain, at goggles, ang mga frontliner sa East Avenue Medical Center.

Target ng ABS-CBN na makapagbigay ng protective goggles at face masks sa 20,000 frontliners sa iba-ibang pampublikong ospital.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.