Dalaw sa mga piitan sa Luzon bawal muna

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 02:15 PM

Suspendido muna ang dalaw sa mga preso sa lahat ng piitan sa Luzon na sakop ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bunsod ng enhanced community quarantine, sabi ngayong Huwebes ng tagapagsalita ng bureau.

Ayon kay Jail Chief Inspector Xavier Solda, BJMP spokesperson, walang pahihintulutang dalaw sa alin mang district, city, at municipal jail para maiwasang umabot sa mga kulungan ang 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Magpapatupad naman ng sistemang "paabot" o maaaring iwanan sa jail guard ng kaanak ng mga preso ang mga gamot at dietary supply ng mga ito.

May ilang bilangguan ding nagpapatupad ng electronic na pagdalaw kung saan nakakausap ang mga preso sa pamamagitan ng video call.

Sa ngayon, walang presong tinamaan ng COVID-19, ayon kay Solda.

Bago makapasok sa mga kulungan, kailangang umanong dumaan sa mga thermal scanning at foot bath.

Naglagay na rin ng handwashing area, at nagpapatupad ng "no face mask, no entry" ang BJMP sa kanilang mga tauhan.

Isinailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine, kung saan mahigpit na pinatutupad ang home quarantine sa publiko, para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 202 ang bilang ng mga nagpopositibo sa sakit sa Pilipinas.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.