COVID-19 patient mula QC, pinaghahanap: Belmonte

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 09:02 PM | Updated as of Mar 20 2020 01:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang lalaking residente ng Quezon City na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang pinaghahanap ngayon ng lungsod. 

Sabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, nagpatingin sa Cardinal Santos Medical Center (CSMC) ang isang lalaking kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.

May ibinigay umanong address ang lalaki sa Barangay Tandang Sora, pero nang puntahan doon ng mga awtoridad, itinanggi ng mga nakatira na residente doon ang lalaki. 

Hindi ngayon malinaw kung nasaan ang naturang lalaki at kung paano ito nakaalis sa pagamutan. 

"Napakahalagang hanapin natin siya because now we have a positive patient on the loose and alam naman natin how dangerous this disease is and we really have to get him back into our custody," sabi ni Belmonte. 

Pinadala na ng siyudad ang kanilang mga medical officer sa CSMC at sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para alamin ang kinaroroonan ng pasyente. 

Noong Miyerkoles, isinailalim sa "extreme enhanced community quarantine" ang bahagi ng 2 barangay sa Quezon City na nakitaan ng di bababa sa 2 kaso ng COVID-19. 

May tig-3 positibong kaso kasi ng sakit sa Barangay Tandang Sora at Barangay Kalusugan at sa magkakahiwalay na tahanan nagmula ang mga ito.
 
Ibig sabihin, kailangan nilang pag-aralan kung nagkakaroon na ba doon ng community transmission o pagpasa ng sakit sa isang komunidad.

Ginawa ito ng lokal na pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa magkakapitbahay.

Sa kabuuan ng Quezon City, 29 na residente na ang nagpopositibo sa naturang virus at isa na ang namamatay.


—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.