COVID-19 lockdown: Oras ng pamamalengke sa lungsod ng Maynila nilimitahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 01:17 PM

MAYNILA - Nagpatupad na ng limitadong oras ng pagbubukas ng pampublikong palengke ang lokal na pamahalaan ng Maynila. 

Ayon kay Marcos Libres, dating presidente ng Sampaloc Public Market, mula alas-8 nang umaga hanggang alas-10 nang umaga ang operasyon ng mga palengke sa ngayon. 

Alinsunod aniya ito ng circular na ibinaba ng Manila City Hall. 

Sa hapon, magtatagal ito nang alas-3 hanggang alas-5 nang hapon. 

Nag-a-adjust na rin ang mga mamimili sa bagong palatuntunan sa limitadong oras na bukas ang palengke. 

Karamihan ng mga mamimili at mga tindero’t tindera ay nakasuot na rin ng face mask at may baon na rin ng alkohol bilang proteksyon sa kanilang sarili kontra sa coronavirus disease 2019. 

Lunes nang magpatupad ng "enhanced community quarantine" ang gobyerno sa buong Luzon, kung saan minamandato ang pananatili sa bahay, maliban na lang kung nag-aalok ng serbisyo patungkol sa pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.