Albay isasara ang mga border bunsod ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 04:44 AM

Isasara ng Albay ang lahat ng border nito simula Huwebes upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa inilabas na executive order ni Gov. Francis Bichara, mahigpit na babantayan ang Albay-Camarines Sur border, Tiwi-Camarines Sur border at Albay-Sorsogon border.

Hindi makakadaan kahit ang mga papuntang Sorsogon at Catanduanes maliban sa mga may dalang pagkain at mahahalagang suplay na papasok sa probinsya.

Dadaan sa masusing pagsusuri ang mga driver ng mga trak na may dalang suplay. Hahanapan din sila ng mga dokumento para payagang makadaan.

Isinailalim sa state of calamity ang buong bansa bunsod ng pagtaas sa nagpositibo sa COVID-19.

Bago nito, pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon ang community quarantine.

Nitong Miyerkoles, may naitalang 202 kaso na ng COVID-19 sa bansa, 17 na ang namatay at 7 ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.