Solusyon laban sa peste sa sibuyas, itinuturo sa mga magsasaka sa N. Ecija

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 02:04 PM

Naghahanap ng solusyon ang maraming magsasaka para maisalba ang kanilang tanim na sibuyas mula sa pesteng army worms sa Nueva Ecija. Noriel Padiernos, ABS-CBN News


Gumagamit na ng mga alternatibong paraan ang mga magsasaka para maisalba at maani pa ang kanilang tanim na sibuyas bago simulang atakihin ng army worms o harabas sa Nueva Ecija.

Ayon sa Provincial Agriculture Office, isa ang Palayan City sa limang bayan sa Nueva Ecija kung saan apektado ng peste ang mga taniman ng sibuyas.

Pero dahil hindi na raw ito mawawala sa lupa hangga't sibuyas ang tanim ng mga magsasaka, puwede na lang itong ikontrol para hindi masayang ang mga tanim.

"Ang magagawa na lang ay i-regulate. Marami tayong technology na itinuturo sa farmers," sabi ni Provincial Agriculturist Serafin Santos.

Ilan sa mga itinuturo ay ang paggamit ng trap para sa male army worm moth para maiwasan ang reproduction, at ang paggamit ng insektong earwig na kumakain ng itlog ng moth.

Isa pang isinusulong ay ang maagang pagtatanim. Ang target ay dapat bago mag Marso ay umaani na ang mga nagsasaka ng sibuyas at ang pagtatanim ng alternatibo gaya ng mais para mamatay muna ang mga harabas sa lupa.

Kasalukuyang nananatili sa P18 hanggang P20 ang kada kilo ng puting sibuyas at P25 hanggang P40 naman ang kada kilo ng pulang sibuyas sa palengke.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.