PatrolPH

Pinipiling Senate bets ng mga botante, kumakaunti: survey

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 09:27 PM

Watch more on iWantTFC

Mas kaunti na ngayon ang pinipiling kandidato ng mga botante para sa 2019 senatorial elections, ayon sa survey ng Pulse Asia. 

Ito ay sa harap ng pag-angat sa survey na lumabas sa linggong ito ng ilang senatorial candidates na bukambibig ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon sa datos ng Pulse Asia, 37 porsiyento na lang ng 1,800 na sumagot sa survey ang nagsabing 12 senatorial candidates ang kanilang iboboto mula sa 46 porsiyentong naitala noong Enero. 

Ayon kay Ana Maria Tabunda, research director ng Pulse Asia, lumalabas na walong kandidato na lang ang karaniwang iboboto ng botante, batay sa kanilang survey. 

Dagdag niya, ito ang naging dahilan para mabawasan ang puntos ng ilang maituturing na front runner sa survey gaya nina reelectionists Serge Osmeña (nagkaroon ng 11 puntos na bawas), Koko Pimentel (8.8 puntos na bawas), Jinggoy Estrada (10.4 puntos na bawas), Grace Poe (7.4 puntos nabawas), at Nancy Binay (9.6 puntos nabawas). 

Paliwanag ni Tabunda na maaaring hindi pa tutok sa halalan ang mga botante dahil sa hirap ng kanilang buhay. 

Ayon din sa survey, ang mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na sina dating Special Assistant to the President Bong Go, dating Philippine National Police chief Ronald "Bato" Dela Rosa, at dating Presidential Adviser Francis Tolentino ang may pinakamalaking inangat magmula sa unang senatorial survey ng Pulse Asia para sa 2019 elections. Nasa 8.3 puntos ang itinaas ni Go, samantalang 7.7 puntos ang itinaas ni Dela Rosa, at 10.7 puntos si Tolentino. 

Ani Tabunda, bentahe nila ang madalas na pagbanggit sa kanila ni Duterte sa mga kampanya.

"Iba 'yung volume ng campaign ng PDP Laban favorites ni Presidente 'yung amount of attention and noise it's getting, compared to the rest," ani Tabunda. 
 
Tingin din ni Tabunda na kaya pang umangat ni Go mula sa ikatlong puwesto. 

Pero ayon sa political science professor na si Jean Franco, maaaring sa Mindanao lang na balwarte ng Pangulo boboto ng 12 senador ang mga botante. 

"It means that the groundwork in Mindanao has already been done two years, a year ago because if you, theoretically, should have the least amount of information because they are the farthest from Metro Manila pero bakit sila 'yung parang kumpleto na?" aniya.

May mga tumaas din sa survey gaya nina administration candidate Dong Mangungudatu, at opposition candidates na sina Neri Colmenares, at ni Chel Diokno. Pero duda si Franco na aaabot sa halalan ang kanilang pag-angat. 

Ikinatuwa naman nina HNP chairwoman Sara Duterte-Carpio ang kinalabasan ng survey at umaasa siyang makukuha nila ang karamihan sa mababakanteng puwesto sa Senado. 

"Masyado nang suntok sa buwan if we ask for more. So we just hope that we get the majority of 12," aniya. 

Watch more on iWantTFC

Hindi naman nababahala ang mga kandidato ng opposition slate na Otso Diretso kahit laglag pa rin sila sa top 12 ng survey ng Pulse Asia, kung saan si Mar Roxas lang ang nakalusot sa Magic 12. 

Tingin ng ilang kandidato, partikular nina Diokno, Florin Hilbay, at Samira Gutoc na malaking bagay ang maabutan na nila ang top 20 ng survey. 

""Habang nakikilala nakikita ng mga tao na mayroon mga tunay na alternatibo para sa Senado," ani Hilbay. 

Pero tingin nila, kailangan pa nilang doblehin ang kanilang pagkayod sa pangangampanya. 

"Kapag limitado ang air warfare we go to ground warfare. They placed ads in TV and radio, kami very limited pa," ani Otso Diretso candidate Gary Alejano. 

Ipinaalala rin ng ilang independent candidates na hindi dapat gawing batayan ang mga survey. 

"Mahirap kung bago pero tanggap natin kahit bago tayo ganyan talaga pulitika, lalaban pa rin tayo," ani senatorial candidate Willie Ong. 

Ikinatuwa naman ni Colmenares ang kaniyang pag-angat sa survey kahit pa man wala siyang political ad na ineere sa telebisyon. 

"Considering that we have very minimal ads and almost all of those ranking in the survey have TV ads, it's really great that we moved to a statistical tie for the 19th spot," ani Colmenares sa pahayag.

-- Ulat nina RG Cruz at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.