Parusa sa Manila Water, soli-bayad sa naperwisyo, inaaral

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 04:10 PM | Updated as of Mar 19 2019 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv
  • MWSS kumambiyo: Manila Water maaaring parusahan 

  • Daan-libong piso nagastos ng mga ospital dahil sa water crisis 

Pag-aaralan ng Manila Water ang adjustment sa water bill ng kanilang mga kostumer para magbigay-ayuda sa libo-libong residente at establisimyentong apektado ng krisis sa tubig, ayon sa pamunuan ng water concessionaire. 

Ito ay matapos ihirit ng ilang senador ang pagbibigay ng rebate o ilang porsiyentong refund bilang danyos sa idinulot na problema ng Manila Water sa kanilang mga customer. 

"An adjustment to a water bill. We are looking at that considering what has happened," ani Manila Water President at CEO Ferdinand Dela Cruz sa pagdinig sa Senado ngayong Martes. 

(Sinisilip namin ngayon ang adjustment sa water bill ng mga kostumer matapos ang nangyari.) 

Sinabi ito ni Dela Cruz nang tanungin siya ni Sen. Risa Hontiveros kung magbibigay ng rebate ang Manila Water sa kanilang kostumer. 

Iginiit din ni Dela Cruz na naghahanap na rin sila ng mga paraan para makatulong sa mga apektadong residente. 

Sa isang ambush interview, sinabi ni Senate President Tito Sotto na nais niyang agad magpatupad ng rebate ang Manila Water sa kanilang apektadong kustomer bilang parusa sa concessionaire. 

Libo-libong residente ang apektado ng kabi-kabilang water interruption ng Manila Water sa Kamaynilaan, na nagdulot ng matinding perwisyo sa mga negosyo, establisimyento, at residente. 

MANILA WATER DI PA LUSOT 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, kumambiyo ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa nauna nilang pahayag na hindi nila maaaring pagmultahin ang Manila Water ng danyos sa gitna ng idinulot nitong water crisis. 

Ito ay matapos sabihin ng ahensiya nitong Lunes na maaari lang nilang pagbawalan ang Manila Water na maningil sa mga konsumer sa gagastahin sa pag-ayos sa problema ukol sa tubig.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, pinag-aaralan nila kung magkano ang multang ipapataw sa concessionaire. 

Pero nilinaw niyang kailangan munang dumaan sa tamang proseso ang imbestigasyon ukol sa insidente kaya bibigyan ng pagkakataon ang Manila Water na magpaliwanag.

Magkakaroon daw sila ng desisyon sa Hunyo o Hulyo. 
 
"I want to observe due process. We are studying everything. Right now we want to wait for June or July. We want to focus first on fixing things," ani Ty sa pagdinig sa Senado. 

(Nais kong magbigay ng sapat na pagkakataon. Pinag-aaralan namin ang lahat at sa ngayon ay gusto naming maghintay ng Hunyo o Hulyo. Nais naming pagtuunan ang pag-aayos sa mga bagay.) 

Dati nang binanggit ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring maghain ng kaso ang mga konsumer para sa danyos mula sa krisis pero dapat mapatunayang may kapabayaan ang Manila Water sa nangyari. 
 
DANYOS

Aabot sa daan-daang libong piso ang naging gastos ng mga pampublikong ospital kasunod ng mga water interruption ng Manila Water, ayon sa mga opisyal ng ilang ospital na nawalan ng tubig. 

Gumastos umano ang mga ospital sa dagdag na mga water pump at bottled water para lamang patuloy na makapag-operate.

Aabot sa P50,000 ang nagastos ng Rizal Medical Center (RMC) sa de-boteng tubig na ipinambabanlaw nila sa mga bagong silang na sanggol, ayon sa pinuno nitong si Dr. Relito Saquilayan. 

Gumastos din daw ng P260,000 ang RMC para sa pump na magagamit para makapag-igib pa sila ng tubig habang gumastos ng P100,000 ang ospital para sa mga lagayan ng tubig.

Ayon kay Saguilayan, hindi pa kasama rito ang naging gastos para sa natigil na operasyon, maging ang gasolina para sa mga firetruck na inarkila ng kanilang establisimyento.
 
Patuloy ang naging operasyon ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) nang mawalan ito ng suplay noong Marso 12, ayon kay NKTI Ancillary Services Department Manager Dr. Joseph Jaro. 

Aniya, nanawagan sila para sa pagtitipid sa tubig at nagkaroon din ng epekto ang water shortage sa dialysis ng kanilang mga pasyente. Ito ay dahil nakadepende ang dialysis machines ng NKTI sa tuloy-tuloy na agos ng tubig. 

"We started joking with our staff not to take a bath, not to brush their teeth but only prioritize hand washing. Because in the end… health care is all about hand washing," ani Jaro. 

(Biniro namin ang staff na huwag nang maligo o magsipilyo at unahin ang paghuhugas ng kamay. Sa huli naman ay nakasentro sa paghuhugas ng kamay ang pangangalaga sa kalusugan.) 

Nauna nang humingi ng paumanhin ang Manila Water ukol sa perwisyong idinulot ng water crisis, pero iginiit ni Senador Risa Hontiveros na kailangan pa ring may managot sa naging problema sa suplay ng tubig.

"'Pag late nga tayo sa pagbayad ng tubig puputulan tayo ng serbisyo. Kahit na mag-sorry tayo ng 1,000 beses sa Manila Water o sa Maynilad... hindi dapat tayong makontento sa sorry lamang. Dapat may managot," ani Hontiveros. 

-- May ulat nina Robert Mano, Kristine Sabillo, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.