Pamilya ng OFW na namatay sa Australia, humihingi ng tulong sa gobyerno

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 06:47 PM

Humihingi ng tulong sa pamahalaan ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Australia.

Nagtatrabaho sa isang organic farm sa Australia ang 21 anyos na si Jerwin Royupa na tubong Calasiao, Pangasinan.

Ayon sa kaniyang kapatid, nitong Pebrero 2019 lang umalis papuntang Australia si Royupa. 

Dagdag pa nito, nagbabalak na umanong umuwi ang kapatid bago nangyari ang insidente.

"Overworked po siya, sabi niya 10 hours daw siya pinagtatrabaho, saka na-homesick na rin... kinuha pa passport niya," kuwento ni Jamaica Royupa-Buraga, kapatid ni Royupa. 

Nakatanggap ng balita ang pamilya noong Marso 14 na nasa ospital si Royupa.

Ayon kay Buraga, na-aksidente umano ang kapatid at tumalon mula sa kotse.

"Sabi na-aksidente daw, tumalon daw sa kotse kapatid ko. Pina-confirm namin, nagkaroon siya ng internal bleeding sa ulo at sa dibdib," aniya.

Binawian rin ng buhay si Jerwin noong Marso 15, isang araw matapos ma-ospital.

Ayon sa pamilya ng biktima, hindi sila naniniwala na aksidente ang nangyari.

"Hindi kami naniniwala na tatalon ang kapatid namin," ani Buraga.

Lumapit na rin ang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration, sa Department of Foreign Affairs at sa OFW desk sa Pangasinan.

Ayon kay Alex Ferrer ng Public Employment Service Office Pangasinan, sumulat na sila sa Department of Foreign Affairs para humingi ng tulong tungkol sa nangyari kay Royupa.

Payo rin nila sa mga gustong magtrabaho sa ibang bansa na makipag-ugnayan sa kanilang opisina para ma-screen ng husto ang mga employer.

Prayoridad ngayon ng pamilya ni Royupa na maiuwi ang mga labi nito. 

Hiling rin nila ang mas malalim na imbestigasyon sa nangyari sa kaanak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.