Mag-amo, natagpuang patay sa loob ng bahay sa Dagupan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 10:49 AM

DAGUPAN CITY, Pangasinan – Patay na nang matagpuan ang isang American citizen na balikbayan at kaniyang kasambahay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Lasip Grande, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Rosalina Esteves at kasambahay na si Loren Bautista.

Sa imbestigasyon ng Dagupan City Police, nakita ng mga trabahador ang mga biktima na duguan at wala nang buhay sa loob ng bahay. Nakababa ang damit ng kasambahay na hinihinalang ginahasa pa. Nawawala rin ang ilang gamit ng balikbayan at mga alahas nito.

Sa follow-up investigation ng binuong Special Investigating Task Group ng Provincial Police Office, nahuli ang suspek na dating driver ng nakatatandang biktima. May nakakita umano sa driver na pumasok sa loob ng bahay madaling araw ng Biyernes.

“Nagkautang itong driver sa biktima at nung naniningil na hindi siya binayaran,” ayon kay Police Colonel Wilson Lopez.

Hustisya naman ang hiling ng mga kaanak ng biktima. 

Sinampahan na ng two-counts of murder ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.