EXCLUSIVE: Atong Ang idinadawit sa pagpapaalis kay Balutan sa PCSO

Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinukoy ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Alexander Balutan ang negosyanteng si Atong Ang bilang isa sa mga umano ay nasa likod ng pagpapatalsik sa kaniya.

Nauna nang sinabi ni Balutan na isa si PCSO board member Sandra Cam sa mga nasa likod ng kaniyang pagkakaalis bilang pinuno ng PCSO.

Sa pagkakaupo pa lang noon ni Balutan at dating PCSO chairman Jose Jorge Corpus sa PCSO noong 2016, nagpunta umano sa PCSO sina Cam, na noo'y hindi pa opisyal ng PCSO, at si Ang, na dati ay operator ng jai alai na nakabase sa Cagayan province.

Nilalakad nina Cam at Ang na ibigay kay Ang ang pag-operate ng small-town lottery (STL) sa maraming bahagi ng bansa, ayon kay Balutan.

Pero hindi raw ito pinayagan ni Balutan.

"Here comes Sandra Cam, bitbit si Atong Ang, and Atong wants to again present himself as parang operator ng buong nationwide na STL," ani Balutan.

"Gusto n'yang kuhanin lahat, with the promise na he pay the government ng mga P200 million monthly. Hindi ako pumayag," ani Balutan.

Ito ang dahilan kung bakit laging sinisiraan ni Cam si Balutan sa Malacañang, sabi ni Balutan.

Ayon naman kay Cam, mismong ang presidente ang nag-utos sa kaniya noon na samahan si Ang sa PCSO.

"Sabi sa akin, 'Oy Sandra, samahan mo si Atong... Baka makakatulong diyan kay General Corpus," ani Cam.

Kinumpirma naman ni Ang ang pahayag ni Cam.

"Tingnan ko raw kung papaano ko matutulungan 'yong 2 corrupt na heneral na si Corpus saka si Balutan," ani Ang.

Ayon pa kay Ang, wala na siyang interes sa STL pero binuweltahan niya si Balutan na umano ay pinapaboran ang kaniyang kapwa militar sa pagbibigay ng prangkisa sa STL.

"Ang nag-o-operate mga STL ngayon ang mga heneral," ani Ang.

"Ang naninira sa'yo sa itaas mga heneral din dahil hindi lahat ng heneral pinagbibigyan mo," pahayag ni Ang patungkol kay Balutan. 

Depensa naman ni Balutan, ang Advisory Committee for STL (ACS) ang nagrerekomenda ng mga prangkisa at mga miyembro ng board.

"Ina-affirm lang ng board pero sa kanila 'yong substantial deliberation itong kung sino'ng pipiliin," ani Balutan.

Hindi naman natitinag si Balutan.

Naunang sinabi ni Balutan na mas mahalaga sa kaniya ang character ng tao kaysa career kaya rin nagbitiw na agad siya sa gitna ng paninira umano sa kaniya.

Iginiit naman ni Cam na abonado pa nga siya sa kaniyang mga charity work para sa PCSO kaya walang basehan ang mga paratang sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.