Bakuna vs Japanese encephalitis ipamimigay sa 4 rehiyon

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 04:50 PM

Mag-aalok ang Department of Health (DOH) ng bakuna kontra Japanese encephalitis (JE) para sa mga bata sa 4 na rehiyon sa bansa bilang bahagi ng isang immunization campaign.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng DOH na sisimulan ngayong Marso ang paggamit ng bakuna kontra JE sa Ilocos region, Cagayan Valley region, Central Luzon region, at Cordillera Administrative Region.

Target ng kampanya na mabakunahan ang mga batang 9 buwan hanggang bago mag-5 taong gulang, ayon sa DOH.

Ang JE ay nakukuha sa Culex, isang uri ng mosquito o lamok na namamahay sa mga water pool at mga baha malapit sa palayan.

Ilan sa mga sintomas nito ay mild fever o lagnat, at headache o sakit sa ulo, ayon sa World Health Organization (WHO). Kapag lumala, maaaring makaranas ng high fever, neck stiffness, at seizures.

Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque na aprubado ng Food and Drug Administration ang bakuna kontra JE at dumaan na rin ito sa prequalification ng WHO.

Binigyang diin din ni Duque na higit 30 taon nang ginagamit ang bakuna sa 12 bansa at nasa 400 milyon bata na ang nabakunahan.

-- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.