PatrolPH

AWOL na pulis, tiklo nang hindi isauli ang service firearm

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 04:39 AM

MAYNILA - Arestado ang isang nag-AWOL na pulis matapos hindi isauli ang service firearm sa pamahalaan.

Kinilala ang pulis na si PO3 Fernando Usita na dating nakatalaga sa Pasig.

Ayon kay Police Brig. Gen. Christopher Tambungan ng Eastern Police District (EPD), nag-AWOL si Usita noong Hunyo 2018. 

Hindi umano nito isinauli ang 9mm pistol na service firearm matapos ilang beses padalhan ng sulat.

Sinampahan si Usita ng kasong malversation of government property hanggang sa isyuhan ng warrant of arrest ng Pasig City Metropolitan Trial Court.

Depensa ni Usita, hindi umano niya alam kung saan ito isasauli. Hindi rin umano niya ito ginamit sa anumang ilegal na gawain.

Isasailalim sa cross-matching ang baril habang aalamin kung may iba pang kasong kinakaharap ang pulis. - Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.