Transport strike, 'walang epekto' sa mga pasahero: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2018 09:05 PM | Updated as of Dec 06 2018 11:50 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Minaliit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang tigil-pasadang ikinasa ng ilang transport group nitong Lunes.

Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, wala pa sa isang porsiyento ng mga pasahero sa Metro Manila ang naperwisyo ng kilos protestang pinangunahan ng transport group na Piston.

"Wala talagang epekto if we're talking about the 3.7 to 4 million ridership," sabi ni Lizada.

Nais ng ilang transport group na ipahayag ang kanilang pagtutol sa jeepney modernization program ng gobyerno na anila'y nagbabalatkayong phaseout talaga ng mga jeepney.

Ayon kay Lizada, nasa 1,390 stranded o walang masakyang pasahero ang natulungan ng mga sasakyang ipinakalat ng gobyerno. 

Dagdag pa ni Lizada, kaunti lang ang sumama sa protesta, kapwa sa Metro Manila at sa mga lalawigan.

"Dati lahat sila (transport leaders) sumasama sa Piston, ngayon pababa nang pababa 'yong number nila," aniya.

Pero iginiit naman ni Piston president George San Mateo na mali ang mga numerong ibinabato ni Lizada.

"Kami, ang paraan namin ay 'yong percentage ng mga driver na lumahok sa tigil-pasada," ani San Mateo.

Para kay San Mateo, matagumpay ang kanilang protesta lalo sa mga staging area tulad ng Maynila, Quezon City, Monumento sa Caloocan, Parañaque, Cavite, at Laguna.

Dagdag pa ni San Mateo, hindi umano nila idineklarang nationwide ang protesta pero may ilang tsuper at operator sa mga lalawigan ang nagsagawa ng protesta.

KASO

Balak naman ng gobyerno na magsampa ng bagong kaso laban kay San Mateo, at ipatawag ang mga tsuper at operator na sumali sa tigil-pasada. 

Bumuwelta naman si San Mateo na muling magkakasa ng malaking transport strike.

"Hindi lang mas malaki, mas mahaba pa, mas mahabang araw," ani San Mateo.

Naririndi naman ang ibang mga pumapasadang tsuper ng jeep at pasahero sa tigil-pasada.

"Kung hindi ako papasada, wala kaming makakain," sabi ng isang tsuper ng jeep.

"Dapat tigilan na lang nila kasi masyadong mainit, wala kami masakyan," pahayag naman ng isang pasahero.

Nagsuspende ng mga klase sa mga lugar kung saan sumentro ang mga protesta.

Sinuspende rin ng Malacañang bandang alas-3 ng hapon ang klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila.

Iginiit din ng Malacañang na handa itong suspendehin muli ang pasok sa mga susunod na araw kapag ipinagpatuloy ng ilang transport group ang kanilang protesta.

-- Ulat nina Doris Bigornia at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.