Pagpapaliban ng barangay, SK polls, OK sa Kamara, 'malabo' sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2018 09:07 PM

Lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 7378 na muling nagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, at sa pagdaraos nito sa Oktubre, sa halip na sa Mayo.

Sa botong 164-27, pinayagan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang ikatlong pagpapaliban ng naturang mga halalan kapag nagkataon.

Agad namang tinuligsa ng oposisyon ang naging resulta ng botohan sa panukala.

Tingin ni Albay Rep. Edcel Lagman, pangungutya na sa karapatang makaboto ang muling pagpapaliban ng barangay at SK elections.

"These postponements are mockery of the right of suffrage," ani Lagman.

Sabi naman ni Magdalo Rep. Gary Alejano, tila nais talaga ng nakararami sa Kamara na isabay ang plebisito para sa pagbabago ng Konstitusyon sa halalan.

Pero paano raw kung wala pa ring plebisito pagsapit ng Oktubre, ibig sabihin ba mauusog na naman ang halalan?

Tila lumalabas din daw na puwedeng abusuhin ng Kamara ang kapangyarihan nito.

Saad ni Alejano: "There is no assurance that the plebiscite will push through on October. We are pitching on an indefinite. Should the plebiscite not materialize on October, are we suggesting another postponement? This sends an impression to the Filipino people of abuse of discretion on the part of Congress."

"The arguments to justify the postponement are shaky at best," ani Alejano. 

Ikinababahala naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang maaaring muling pagpapaliban ng halalan dahil tila pahiwatig ito ng "no elections" pagsapit ng 2019 senatorial elections.

Kapag nagkataon ay mananatili sa puwesto ang mga kasalukuyang mambabatas.

"Another postponement, especially this one, is a bad and dangerous precedent... This will not only lead to NO-EL in 2019 and term extensions for the incumbents, worse it may even lead to another dark era of authoritarianism in our country," ani Zarate.

Gayunman, malamlam ang posisyon ng Senado sa muling pagpapaliban ng barangay at SK elections.

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, hindi uusad sa mataas na kapulungan ang muling pag-usog sa halalan.

"Postponement of barangay elections has no chance anymore in the Senate," sabi ni Pimentel.

-- Ulat nina RG Cruz at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.