May basbas umano ng Malacañang ang paghiling ng kampo ng tinaguriang 'utak ng pork barrel scam' na si Janet Lim Napoles sa Sandiganbayan na mailipat siya ng lugar kung saan siya patuloy na idedetene.
Nais ni Napoles na mailipat sa Department of Justice (DOJ) mula sa Camp Bagong Diwa, kasabay ng napipintong pagsailalim niya sa witness protection program (WPP).
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division, nabanggit ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David na pinayuhan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea at Justice Secretary Vitaliano Aguirre na magsumite ng mosyon sa korte, sa halip na ipag-utos ng DOJ ang agarang paglilipat kay Napoles.
“Ang meeting namin, na-admit na kasi siya sa WPP kasi nga ang gusto sana namin ay ilipat na siya. Pero sabi nga nila, sabi ni ES, nag-meeting kami concerning after na-admit siya, ang sabi nila, kailangan kang mag-file ng motion, ang pinag-usapan namin whether or not magfa-file ba siya ng motion, 'yun lang," ani David.
Pero may basbas man ng Palasyo o wala, mahigpit na tinutulan ng Office of the Ombudsman ang hiling ni Napoles dahil wala naman umanong epekto ang WPP sa mga kasalukuyang kaso ng plunder na dinidinig ng iba't ibang divisions ng Sandiganbayan.
Dahil sa pagbibigay ng DOJ ng provisional status ng WPP kay Napoles, nag-rally ang ilang kasapi ng Akbayan na nakasuot ng makukulay na wig sa harapan ng DOJ.
Pinagbibitiw nila si Aguirre dahil sa kaso ni Napoles pati na ng drug personalities na na-dismiss ang kaso.
Tiniyak naman ni Aguirre na ang pakikipag-usap niya kay Napoles ay walang epekto sa kasalukuyang pork barrel scam cases.
Binigyan ng 10 araw ang prosecution panel para magsumite ng written opposition o pagkontra sa planong paglilipat kay Napoles.
Gayunman, kinuwestiyon ng isang abogado mula sa prosecution panel ang provisional status sa WPP ni Napoles dahil dalawang bagay lang naman aniya ang puwedeng estado ng "pork barrel queen"--tinanggap sa WPP o hindi.
-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Adrian Ayalin, balita, Janet Napoles, pork barrel, mastermind, pork barrel queen, fake NGO, witness protection program, WPP, testigo, provisional status, Salvador Medialdea, Vitaliano Aguirre, DOJ, Department of Justice, TV Patrol, TV Patrol Top