Batang babae, tinangkang sunugin umano ng sariling ama

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2018 09:12 PM

DAVAO CITY - Arestado ang isang 44-taong gulang na lalaki matapos umanong sunugin ang kanyang 4-taong gulang na anak na babae Linggo ng gabi sa kanilang bahay sa Malagamot, Panacan, Davao City.

Itinanggi ng suspek na si alias Roger ang paratang. Kuwento niya, nang gumising sya mula sa kaniyang tulog ay nadatnan umano niya na nasusunog na ang kaniyang anak kaya dali-dali niya itong inapula at isinugod sa ospital

"Dili nako na mabuhat sa akong anak sir.. love kaayo nako to.. Gusto gane nako adtuon akong anak sa ospital kay walay nagbantay sa iya didto" sabi ni Roger.

(Hindi ko 'yan magagawa sa aking anak sir.. love ko' yun.. gusto ko ngang puntahan siya sa hospital.)

Base sa imbestigasyon, tumungo ang kamag-anak ng mag-ama sa police station kagabi upang ihayag ang kaniyang mga nakita.

Ayon kay police Chief Inspector Emerson Pugong, Station Commander ng Sasa Police Station, pasado alas-10 Linggo ng gabi, nagising ang kamag-anak nila dahil sa sigaw ng bata, pati ng kaniyang ama na nagsabing idadamay niya ang kaniyang anak sa kaniyang problema.

Napag-alamang nakipaghiwalay ang misis ni Roger sa kaniya at na-depress umano siya.

"Meron tayong suspek at ito ang ama...meron rin tayong witness, makunan natin ng affidavit," ani Pugong.

Salaysay naman ng mga kapitbahay, pinagsasabihan umano nila ang ama ng bata paminsan-minsan sapagkat palagi lang itong naglalasing at may mga pagkakataon din na sinasaktan umano ni Roger ang kaniyang babaeng anak.

Nakita sa loob ng bahay ang container ng gas na ibinuhos umano ni Roger sa bata, pati ang lighter na ginamit sa pansunog nito.

Dagdag ng hepe ng Sasa Police Station, kasalukuyang nasa intensive care unit ng isang ospital ang bata. Inaalam pa umano kung gaano kalala ang tinamong sugat ng bata, na kasalukuyang comatose.

Bukas ay nakatakdang magsumite ang kamag-anak ng kaniyang affidavit, at inaasahan din na magsasampa ng kaso ang ina ng bata.

Posibleng maharap sa kasong attempted parricide ang ama ng bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.