Kampanya laban sa rabies sa Zamboanga City, mas pinaigting

Jewel Reyes, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2017 07:06 PM

ZAMBOANGA CITY - Mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang kampanya nito laban sa rabies sa lungsod.

Gamit ang sasakyan ng barangay, isa-isang dinampot ang mga asong gala sa isang barangay sa Zamboanga City.

Ayon sa isang kagawad sa Barangay Canelar, mas pinaigting ang pagliligpit sa mga asong gala para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng pangangagat ng aso.

Sila rin kasi umano ang nagkakalat ng basura na posibleng panggalingan pa ng sakit.

Sa talaan ng lokal na pamahalaan, kapansin-pansin ang pagtaas ng insidente ng pangangagat ng aso lalo na kapag tag-init.

Higit 6,000 ang nakagat ng aso noong 2015, at mas mataas ang bilang ng mga nakagat noong 2016.

Ayon naman sa City Veterinarian at City Health Office, tumaas ang bilang dahil sa mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan sa kahalagahan ng pagbabakuna kapag nakagat ng aso.

Sa kasalukuyan, may ordinanse ang lungsod ng Zamboanga na naglalayong ipabakuna ang mga aso ng kanilang mga may-ari at huwag pabayaang nakakagala.