PatrolPH

Manager ng banana plantation sa Malaybalay, natagpuang patay

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2023 04:48 PM | Updated as of Mar 18 2023 05:20 PM

Natagpuang patay at may tama ng bala ang isang lalaki sa diversion road ng Barangay Casisang, Malaybalay City, Bukidnon pasado alas-5 ng madaling-araw ng Sabado. 

Isang concerned citizen na dumaan sa lugar ang nakakita sa katawan na nakahandusay sa gilid ng daan sa labas ng kanyang minamanehong pick-up.

Ayon sa Malaybalay City Police Station, ang biktima ay manager ng Bukidnon Provincial Cluster ng isang malaking plantasyon ng saging.

Mayroong sugat ng bala sa ulo ng biktima. Nakita rin ng pulisya sa kanyang kanang kamay ang 9mm na baril na tinakpan ng panyo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakita ang mga kasamahan sa trabaho ang biktima na umalis sa kanilang staff house sa Barangay Kalasungay pasado alas-4 ng madaling araw. Papunta umano ito sa kanilang processing plant sa Barangay Casisang.

Blangko pa ang otoridad kung sino ang salarin at patuloy pa nilang inaalam kung ano ang motibo ng pamamaril.

-- Ulat ni Rod Bolivar

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.