PatrolPH

Komentarista sa radyo sa Lanao del Norte, patay sa pananaksak

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2022 01:43 PM

Natagpuang duguan sa ikalawang palapag ng kaniyang bahay sa Barangay Poblacion, bayan ng Bacolod, Lanao del Norte ang radio commentator na si Audrey Estrada nitong umaga ng Huwebes.

Isinugod sa ospital si Estrada ng kaniyang pamilya pero idineklara itong dead on arrival.

Pinaniniwalaang sinaksak ang biktima. Natagpuan sa crime scene ang kutsilyong gamit sa pananaksak kay Estrada pero hinugasan na ito.

Walang nakakita sa pananaksak, ayon kay Police Major Mohammad Doro. Inaalam pa ang motibo ng pagpatay at kung may kinalaman ito sa trabaho ng biktima.

“Pero may person of interest na kami. Nag-iimbestiga pa rin kami sa nangyari,” aniya.

Si Estrada ay komentarista ng 101.3 Grace Covenant FM.

Sa social media naman idinaan ng mga kasama nito sa radyo ang paghingi nila ng hustisya.

Nag-alok ng P20,000 na pabuya sa makakapagbigay ng impormasyon sa krimen si municipal administrator Engineer Joselito Miquiabas.

--Ulat ni Roxanne Arevalo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.