PatrolPH

Kit Thompson arestado sa bintang na pananakit ng nobya sa Tagaytay

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2022 07:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang aktor na si Kit Thompson sa umano'y pambubugbog sa nobyang aktres sa loob ng isang hotel sa Tagaytay, Cavite. 

Puno ng pasa at galos ang mukha ng babae nang dalhin sa Tagaytay City Medical Center dahil sa umano'y pambubugbog sa kaniya sa loob ng hotel sa Barangay Silang Crossing East sa Tagaytay. 

Naunang humingi ng tulong ang babae sa kaniyang kaibigan para magpatawag ng pulisya sa room 19 ng hotel, habang natutulog umano ang aktor. 

Ayon sa kaanak, kalunos-lunos ang sinapit ng biktima sa kamay ni Thompson. 

"Grabe, as in grabe talaga. Iba 'yung mukha niya talaga. Wala siyang mata, dalawa, kulay green, kulay black. Basag talaga 'yung mukha niya, as in buong katawan. Sabi niya sinampal muna daw siya, then sampal, suntok, suntok, sampal, sampal sa ulo kaya 'yung mukha niya ngayon sobrang namamaga. As in sobra talaga," paglalarawan ng kapatid sa isang tawag sa ABS-CBN News. 

Batay sa impormasyon mula sa pulisya, bandang alas-2 ng madaling araw nangyari ang pambubugbog nang magkaroon nang hindi pagkakaunawaan ang dalawa dahil sa selos. 

Alas-6 ng umaga naitawag ang insidente sa 911 at agad rumesponde ang pulisya para masagip ang biktima at dalhin sa pagamutan. 

"It turns out na talagang merong… valid 'yung information na meron talagang binugbog o sinaktan na babae doon sa loob ng hotel," ani Tagaytay City Police chief Rolando Baula. 

Nasa kustodiya na ng pulisya ang aktor para sa imbestigasyon. Dumalaw na sa aktor ang management at abogado pero tumangging magbigay ng panayam sa media. 

Desidido naman ang pamilya ng biktima na panagutin sa batas ang aktor. 

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa hotel kung saan nangyari ang insidente, at nalamang alas-6 ng gabi ng Huwebes nag-check in ang mga ito para sa overnight stay. 

"Pareho silang nakainom so para bang nakakaramdam na 'yung babae nang hindi maayos kaya tinawagan niya 'yung friend niya. Kaso nga lang 'yung pagtawag niya sa friend niya, poor signal. Kaya umakyat siya doon sa 3rd level hallway. It so happened siguro nakatulog siya. Noong makita siya ng lalaki, binuhat siya at binalik siya sa room nila. Doon na nag-start," ani Baula. 

Sa pahayag, sinabi ng Cornerstone Entertainment, ang management agency ni Thompson na wala pa itong natatanggap na pormal na report sa insidente. Pero hiniling ng ahensiya sa publiko na maging maingat sa panghuhusga batay sa impormasyong inilalabas sa social media. 

Tiniyak ni Calabarzon police chief Antonio Yarra na na tututukan nila ang isyu ng karahasan. 

"Ang ganitong klaseng violence ay hindi dapat isinasawalang bahala lamang," aniya.

"I will take this chance to call on other women who are victims of violence not to be afraid and report immediately to the nearest police station their situation. Kagaya na lamang po ng biktima sa insidenteng ito, agad na nabigyan ng aksyon at hindi na umabot pa sa mas marahas na sitwasyon," dagdag niya. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.