PatrolPH

Taal evacuees hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2021 09:46 PM

Watch more on iWantTFC

Kumot na nakasabit sa bubong ang nagsisilbing pader ng mga evacuee sa hindi pa tapos na school building sa Talisay, Batangas.

Higit sa isang taon nang namamalagi doon ang pamilya ni Geraldine Mendoza matapos matabunan ng abo ang kanilang bahay nang mag-alboroto ang Bulkang Taal noong Enero ng nakaraang taon.

"Itong kama lang ang natira sa amin," ani Mendoza.

"Sikip kami dito, sala-salabat, parang sardinas na nasa lata, pito kami," aniya.

Nabigyan naman ang ibang evacuee ng emergency shelter pero nasira rin, kaya kariton na lang ang ginagamit ng mga gaya ni Josefina Cordon-Salan bilang pintuan ng kanilang tolda.

"Minsan 'pag [may] ulan, pinapasok kami," ani Cordon-Salan.

Ngayong naka-alert level 2 ang Bulkang Taal, nanariwa ang pangamba ng mga evacuee.

"Hindi po ako makatulog, ang ginawa ko dito, nagmukmok ako. Dati hindi ako nagdasal, pero ngayon nagdasal ako. Ang buong katawan ko nanginginig," sabi ng evaucee na si Yolanda Rosaldo.

Sa ngayon, kaniya-kaniyang diskarte sila para mairaos ang pangangailangan araw-araw, kagaya ng single mother na si Victoria Pronea na naglalako ng pagkain sa mga kapwa evacuee.

"Para lang sa aking mga anak, masuportahan ko lang sila," ani Pronea.

Para dugtungan ang kanilang pantustos, nagdala ang ABS-CBN Sagip Kapamilya ng relief goods sa nasa higit 250 pamilyang nasa 3 evacuation center sa Talisay, Batangas.

"Malaking bagay kasi kung wala kaming pera, wala kaming pambili," ani Rosaldo.

Pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ng Talisay ang mga evacuee na maging alerto sakaling lumala ang aktibidad ng Bulkang Taal.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.