PatrolPH

Shabu na nakasilid sa puto maya, naharang sa Dumaguete City

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2021 12:47 PM

Shabu na nakasilid sa puto maya, naharang sa Dumaguete City 1
Nakahalo sa puto maya ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na dala ng isang dalaw sa Dumaguete City Police Station detention cell. Larawan mula kay Choy Gallarde

Arestado ang isang babaeng dalaw na nagpuslit umano ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu na kaniyang isinilid sa dalang meryendang puto maya sa detention cell ng Dumaguete City Police Station, Huwebes ng umaga. 

Ang suspek ay dadalaw sana kay Sherwin Gomera, na nakakulong matapos hulihin noong nakaraang linggo sa kasong illegal drugs.

Ayon sa ulat, hiningi ng mga bantay ang dalang plastic bags ng babaeng suspek para inspeksiyunin. Pero sa halip na ibigay nang maayos, ihinagis ito ng babae sabay tumakbo.

Sa pagsisiyasat ng awtoridad, nakita ang tatlong sachet ng shabu na nakahalo sa puto maya na nakabalot sa dahon ng saging.

Agad naaresto ang babaeng suspek at nakatakdang sampahan ng kasong possession of illegal drugs.

- Ulat ni Annie Fe Perez

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.