PatrolPH

Lolo arestado sa pananaksak ng kainuman sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2021 02:51 PM | Updated as of Mar 18 2021 07:30 PM

Lolo arestado sa pananaksak ng kainuman sa Bulacan 1
Huli ang isang lolo matapos umanong saksakin ang kaniyang kainuman sa Hagonoy, Bulacan noong Marso 17, 2021.

Arestado gabi ng Miyerkoles ang 75 anyos na lalaki matapos saksakin ang kaniyang kainuman sa bayan ng Hagonoy, Bulacan, isang insidenteng nangyari sa kabila ng umiiral na liquor ban sa probinsiya.

Kinilala ang suspek bilang si Danilo Silverio, na sinampahan ng kasong murder at umamin sa bintang na pananaksak.

Ayon kay Silverio, inunahan lang niya ang kainuman sa takot na totohanin nito ang palaging banta sa kaniya na papatayin siya.

Base sa imbestigasyon ng pulis, habang nag-iinuman ay pinakitaan ng biktima ng patalim ang suspek.

Matapos pakitaan ng patalim, umalis si Silverio sa lugar ng inuman at umuwi para kumuha ng patalim, na ginamit niya para biglang saksakin ang biktima, anang imbestigador na si Senior Master Sgt. Frederick Felipe.

Watch more on iWantTFC

Pasado alas-10 ng gabi nangyari ang krimen, na pasok sa liquor ban na ipinatupad ng munisipyo.

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung sino ang nagbenta ng alak kina Silverio, ayon kay Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan police.

Ayon kay Cajipe, marami pa ring taga-Bulacan ang lumalabas ng kanilang mga bahay kahit nagpatupad ang provincial government ng curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Muling nagkaroon ng curfew at liquor ban sa lalawigan upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Sa unang oras pa lang ng curfew noong gabi ng Miyerkoles, 8 na ang nahuli sa paglabag sa liquor ban, 82 ang lumabag sa curfew habang 144 ang natiketan at pinagmumulta dahil sa hindi pagsuot ng face mask habang nasa labas ng bahay.

–Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.