Dalagitang dinukot habang nagja-jogging, nasagip sa Davao del Norte

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2021 03:33 AM

Nasagip ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na babae Martes ng umaga matapos umanong dukutin ng dalawang hindi pa nakikilang lalaki habang siya'y nagja-jogging sa Santo Tomas, Davao del Norte.

Base sa inisyal na report ng pulisya, bandang 6 ng umaga noong Martes, tinutukan ng baril ng dalawang naka-bonnet na suspek ang biktima sa Purok 2, Barangay Esperanza at isinakay sa motorsiklo papunta sa direksyon sa Tagum City.

Natunton ng mga pulis bandang 8:30 ng umaga ang biktima sa Barangay Bincungan sa Tagum City.

Nasa Women’s and Children’s Desk na ang biktima para sa kaukulang imbestigasyon, counseling, at medical examination. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at nakikipag-usap sa menor de edad kaugnay sa nangyari habang naglunsad na rin sila ng hot pursuit operation para mahuli ang mga suspek.

Binigyan din ng lokal na pamahalaan ang pamilya ng biktima ng food at financial assistance.

Ayon kay Santo Tomas Mayor Ernesto Evangelista, kahit pinayagan nang makalabas ang mga bata na may edad 10-anyos pataas sa mga lugar ng modified general community quarantine, dapat pahintulutan lang ng mga magulang na makalabas ang kanilang mga anak kung mahalaga ang dahilan.--Ulat ni Hernel Tocmo

MULA SA ARKIBO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.