PatrolPH

4 menor de edad, nalunod sa ilog sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2021 03:09 AM | Updated as of Mar 18 2021 05:34 AM

Apat na menor de edad ang nalunod sa ilog sa bayan ng Hermosa sa Bataan nitong Martes ng hapon.

Kabilang sa mga namatay ang kambal na sina AC at AJ Magtanong, kapwa 11 taong gulang. Nalunod din ang kanilang 13 anyos na tiyahin na si Reynalyn Magtanong at ang kalarong si Gabriel Santos, 11 anyos.

Naliligo ang apat sa ilog sa Barangay Almacen nang mangyari ang insidente.

Ayon sa ama ng kambal na si Juanito, mahirap mang tanggapin ang nangyari, wala umano siyang magagawa dahil naniniwala siyang disgrasya ang nangyari.

"Pare-pareho kahit sinong tao walang dapat sisihin, disgrasya, siguro hanggang dun lang sila," aniya.

Nagkayayaan umano ang mga bata na maligo sa ilog ng Almacen, ngunit napadpad ang mga ito sa malalim na bahagi ng ilog.

“Dahil sa puwesto ng kanilang pinaglubugan ay medyo malalim nasa kulang 10 feet din ang kanilang pinaglubugan, medyo mahihirapan talagang mag-rescue 'yung mga taga-Almacen dahil medyo may kalawakan din ang ilog," paliwanag ni Kapitan Herman Layug.

Naisugod pa sa Orani District Hospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.