VIRAL: Mga sundalo, pulis na bantay checkpoint, karton ang pahingahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 03:41 PM

MAYNILA - Viral sa social media ang larawan ng ilang pulis at sundalong nagpapahinga sa waiting shed matapos ang tuloy-tuloy na pagbabantay sa checkpoints sa Barangay Magallanes, Makati City sa gitna ng lockdown sa Luzon dahil sa coronavirus disease 2019.

 

Saludo sa patuloy na paglilingkod ng mga sundalo at pulis si Bayan Patroller Arjhun Catada, lalo na nang nakita niya ang ilan sa kanila na nagpapahinga sa mga waiting shed.

Kuwento niya, napansin niya ang mga pulis at sundalo na nakahiga sa kalsada at sa karton lang natutulog na tila pagod na pagod na sa tuloy-tuloy na pagbabantay. 

Wala kasi siyang nakitang maayos na pahingahan ng mga sundalo at pulis doon. 

Aniya, alam niya ang sakripisyo nila dahil may kaanak din siyang pulis kaya bilib siya sa pagseserbisyo ng mga ito lalo na ngayong may kumakalat na sakit.

Sa ngayon ay nasa 51,000 reactions na ang nakuha ng post ni Catada at nai-share na ito ng 41,000 beses. 

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, tigil-biyahe muna ang mga pampublikong sasakyan o mass transport at suspendido ang pasok sa eskuwela at trabaho maliban sa maituturing na frontliners at mga miyembro ng skeletal workforce gaya ng mga doktor at sundalo. - Ulat ni Christopher Hedreyda, BMPM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.